TOPICS:
Literature
|
Philippine Folklores | Short
Stories | Novel | Salawikain
| Bugtong | Prose
& Poetry |
PROSE &
POETRY
Muling Naghugpong Ang Tanikala
Eduardo M. Carpena
Kahalintulad mo ay naglahong bula sa aking hinagap,
Nang unang mahagka't ikulong sa bisig hiram mong liwanag;
Ngayo'y nililirip,
sa buntung-hininga ay inaapuhap,
Larawan ng mukhang tigib sa gayuma di na
maaninag.
Kakatwang bangungot sumiping sa akin kani-kanina lang,
Sa
tulirong isip nabanaag kitang luha'y kaulayaw;
Diwa'y namamanhid, busilig
ay dilat, naglaho ang pungay,
Hinagkan ng apoy, kagyat nanlupaypay sa pagkakadarang.
Sa
bawa't pagbukas ng balintataw ko ay umuukilkil,
Hirap na sinuong, dugong idinilig
nang sa'yo ay dahil;
Ano ba ang nasa't binabalikan mo ang pagkahilahil,
Nahan ang pangakong sa manlulupig ay di ka pasisiil?
Nang mabanaag mo silay
ng umagang kaytagal inasam,
Ang aba kong puso'y dagling nag-umapaw sa kaligayahan;
Ipinagbunyi ka't sa habang panaho'y ipinagdiriwang,
Sigaw ng pag-asa at pagkahulagpos
sa ibang kandungan.
Mali'ng akala ko at pagkaintindi sa iyong sinabi,
Pangangatawanan pamamayagpag nang may pagmamalaki;
Kabalintunaang nagtalusira
ka't tila naging bingi,
Paghihinagpis ko'y winalang-bahala't nagpakaduhagi.
O
mahal kong Mutya, diyata't naatim kalapastanganan,
Ng manunuyo mong mapagsamantala't
mapagpa-imbabaw;
Sa tamis ng dila ng kapanalig mong balat-kayo lamang,
Tulad mo'y kawayang sa bahagyang ugoy, kabod na hahapay.
Kayraming nagtanggol,
kapwa nanibugho't sinamba kang tunay,
Nangagpakasakit natala sa puhas ng 'yong
kasaysayan;
Ilang salin-lahi, dumating-umalis, tila walang humpay,
Hininga'y
napugtong di man nasilayan ang bukang-liwayway.
Di mo ba naisip Bituing
marikit na kaysakdal dilag,
Sandaang taon nang wika mo'y naahon sa pagkakasadlak;
Nguni't wari ko ba'y di ganap na lagot ang pagkakakalag,
Nitong tanikalang
kandado ng pusong hanggang ngayo'y bihag.
Ano bang dahilan upang mabuhay
ka sa pagkukunwari,
Dahil ba sa takot, Ibong Mandaragit balingan kang muli?
Nang ipagkanulo imbing kaikawan, nakaya ng budhi,
Gaano pa kaya ang kaakuhan
kong pansinin ma'y dili?
Walang tanging hangad kundi ang sa t'wi na'y makapiling
kita,
Ipangalandakan alay na pag-ibig saan man mapunta;
Subali't ang andap
na liwanag manding sinag ng pag-asa,
Nilamon ng dilim, nilukob ng gabing wala
nang umaga.
Labag man sa loob, sundan ang yapak mo'y pilit lalandasin,
Buti pa ang tubig, minsa'y namimili daang tatahakin;
Kahit konting awa, di
mapagdamutan, taghoy at hinaing,
Bagkus itinaboy, sa'yo'y nagmamahal, sa ibang
lupain.
Paanong ang pusong nag-aagaw-buhay ay makapaghintay?
Ng isa
pang siglong pakikihamok na tila walang hanggan;
Kung ang sinasabing pagkahulagpos
mo'y kalayaang tunay,
Pumaimbulog ka't sa sariling bagwis, ganda mo'y iduyan!
Bago
man lang sana magwakas ang lahat, buhay ay matapos,
Ay mamasdan kitang natakasang
ganap ang pagkabusabos;
Ba't di adhikaing lubos na makalag ang pagkakagapos,
At kung makaalpas h'wag nang lilingunin tanikalang lagot!
Ed's Notes:
Ang tulang ito ay nagkamit ng karangalang banggit sa ginanap na paligsahang tinawag
na "Titik at Indayog" sa Jeddah, Saudi Arabia sa pagtataguyod ng Overseas
Filipino Press Club noong Mayo 1997. Unang lumabas ang tulang ito sa Marso 1998
isyu ng Kalayaan Magasin ng Philippine Centennial Comission. Lumabas din ito sa
OFW Spotlight, isang bahagi ng online edition ng Philippine Daily Inquirer.