TOPICS:
Literature
|
Philippine Folklores | Short
Stories | Novel | Salawikain
| Bugtong | Prose
& Poetry |
PROSE &
POETRY
Pinoy at Pinay: Sa Mga Kuko ng Disyerto
Eduardo M. Carpena
Kayrami nang mga Pinoy at Pinay
ang aking
nakasalimuha,
dito sa lupaing
bukod-tanging sinabugan
ng sangkatutak
na biyaya;
Higit ngayong ang kislap ng dolyar
ay tuksong nag-babadyâ,
kayraming mga Pinoy at Pinay
ang dito'y rumaragasa
sa bilis na higit pa
sa daluyong
o agos ng baha.
Kayrami nang mga Pinoy at Pinay
ang aking naka-away
dahil sa magkasalungat
na punto-de-vista,
o
payak na argumento
sa nagdudumilat
na katotohanang
madalas kaysa
hindi
ay ginagahasa
ang mga simpleng pangarap
at prinsipyo,
nagkukumahog pa rin silang
makausad at maka-adyo
sa ituktok nitong nag-aalimpuyo.
Bakit nga ba sa kabila
ng mga patotoo
sa mga kabuktutan
at kawalang-galang
sa karapatang-pantao
ay patuloy
ang paglabas-masok nila dito?
Kung ito may dahil
sa nagugutom tayo
o sadyang ito ang lihim na
plano
ng ating gobyerno,
Iisa lang ang batid ko:
marami pa ring
mga
Pinoy at Pinay
ang aking makakahalubilo
habang patuloy
ang
pag-inog ng mundo
dito... sa mga kuko ng disyerto.